BAGUIO CITY – Posibleng mas marami pang mga OFWs sa Lebanon ang matanggal sa trabaho o kaya ay makakatanggap ng bawas na sweldo dahil sa epekto ng lumalalang economic crisis sa nasabing bansa na nagdudulot ngayon ng dumaraming pag-kilos protesta ng mga Lebanese.
Ayon kay Bombo International Correspondent Fely Yangag, tubo ng Natonin, Mountain Province at OFW ngayon sa Lebanon, dahil sa magdadalawang taon ng economic crisis sa Lebanon ay marami ng mga kababayan ang nawalan ng trabaho at napauwi ng bansa habang nahihirapan din ngayon ang mga nandoon na undocumented OFWs at mga stay-out workers na kahit pa documented OFWs dahil gagasta pa sila ng renta at pagkain.
Binahagi niya na dahil hindi na kaya ng ilan sa mga employers sa Lebanon na magpasweldo ng dolyar ay binabawasan nila ang sweldo ng kanilang empleyado habang ang iba ay nagtatanggal na lamang ng mga empleyado.
Inamin niya na naranasan na din niyang makatanggap ng bawas na sweldo noong nakaraang taon kung saan, sumweldo siya ng 140 US dollars sa isang buwan.
Dinagdag niya na kung pipiliin ng mga OFWs sa Lebanon na manatili sa kanilang mga employers ay kinakailangang magkasundo ang mga ito sa sweldo.
Samantala, sinabi ni Yangag na ‘on and off’ ang mga kilos protesta sa Lebanon ngunit kahapon lamang ito lumala dahil sa pagsunog ng mga protesters ng mga gulong upang sarhan ang mga kalsada na nagdudulot ng madumi at delikadong hangin.
Tinutuligsa aniya ng mga protesters ang mataas na presyo ng dolyar kontra sa lira na currency ng Lebanon kung saan mula sa dating 1,500 Lebanese Lira bawat dolyar ay tumaas ngayon ng 10,500 Lebanese Lira bawat dolyar.
Marami na din aniyang mga mamamayan ng Lebanon ang nawalan ng trabaho at nakakaranas ng gutom na dahilan sa nasabing protesta.
Bagaman mahigpit ang alituntunin ng Lebanon laban sa COVID-19 kung saan kailangan ng permit mula sa pamahalaan bago makalabas ng bahay, sinabi ni Yangag na marami ang lumabag dito para makibabahagi sa kilos protesta.
Dinagdag niya na walang nakaka-alam kung kailan matatapos ang nararanasan ngayon na krisis sa ekonomiya ng Lebanon kaya may pangamba na doon sa posibilidad ng pagsiklab ng civil war.`