Tututukan umano ng binuong probe team ng PNP ay ang umano’y lumang radio communication na ginamit ng mga pulis sa kanilang operasyon kaya nagkaroon ng problema sa koordinasyon sa militar.
Ayon kay PNP Spokesperson S/Supt. Benigno Durana, aalamin ng PNP probe team ang puno’t dulo ng madugong insidente, kabilang na rito ang ginamit na radio communication ng mga pulis.
Sinabi ni Durana, malalaman din sa resulta ng imbestigasyon kung anuman ang naging pagkukulang o lapses ng PNP at militar.
Tiniyak din nito na lahat ng benepisyo at pinansiyal na tulong ay ibibigay sa mga kamag-anak ng mga napatay na pulis.
Sa kabilang dako, nasa Samar ngayon si PNP chief PDGen. Oscar Albayalde para tignan ang kalagayan ng mga sugatang pulis at bibisitahin burol ng anim na nasawing pulis.
Kinumpirma ni Albayalde na kaniyang ipinag-utos ang pagsibak sa puwesto sa batallion commander ng Regional Force Mobile Battalion-8 na si P/Supt. Glen Cinco at ang company commander na nanguna sa operasyon na si C/Insp. Suspeñe.
Isa sa bubusisiin ng probe team ay ang level of coordination na ginawa ng mga pulis sa militar para matukoy kung sino ang may pagkukulang.