CAUAYAN CITY – Umaabot na sa 183 pamilya ang lumikas sa lalawigan ng Isabela dahil sa epekto ng bagyong Egay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Lucia Alan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 2 sinabi niya na batay sa kanilang monitoring sa lalawigan ng Isabela ay may tatlong local government units (LGUs) na ang apektado ng bagyo habang sa Cagayan ay sampung LGUs na ang apektado.
Hanggang kahapon ay nasa 362 na pamilya ang lumikas katumbas ng 1,239 na indibidwal ang apektado na kinabibilangan ng 183 pamilya sa Isabela at sa Cagayan ay mayroon namang 179 na pamilya ang lumikas.
Pansamantalang tumuloy sa kanilang mga kamag-anak o kakilala ang nasa 96 na pamilya habang nasa 274 na pamilya naman ang tumuloy sa 23 evacuation centers sa rehiyon.
Karamihan sa mga apektado sa Isabela ay mula sa mga coastal areas ng Divilacan, Palanan at Maconacon.
Tiniyak naman ni Regional Director Alan na nakapreposition na ang 34,000 family food packs na ipapamahagi sa mga evacuees sa iba’t ibang LGUs sa ikalawang rehiyon.
Pinakatutukan din ngayon ng DSWD Region 2 ang isla ng Calayan sa Cagayan at tiniyak niya na una nang ipinadala ang mga family food packs sa nasabing lugar at patuloy ang kanilang koordinasyon sa LGU.
Pinaalalahanan naman niya ang publiko pangunahin na ang mga nasa landslide at flood prone areas na agad nang lumikas sa mas ligtas na lugar upang makaiwas sa hindi kanais-nais na pangyayari.