-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Lomobo pa sa mahigit 1,000 pamilya mula sa tatlong barangay ng Pikit, North Cotabato ang nagsilikas kasunod ng bakbakan ng dalawang naglalabang pamilya na mga kasapi ng MNLF at MILF.

Ayon kay Pikit Mayor Sumulong Sultan ang mga bakwit ay nagmula sa mga Barangay Balongis, Nuangan at Balatican na hirap rin sa ngayon dahil lahat sila ay kasalukuyang nag-aayuno.

Unang sumiklab ang bakbakan noong linggo sa pagitan ng mga dalawang magkaaway na angkay na matagal nang may rido o ‘di pagkakaunawaan.

Sinabi naman ni Pikit municipal social welfare officer Imelda Balios, na nababahala sila ngayon sa pagsiksikan ng mga bakwit sa Barangay Batulawan elementary school, Dalengawen elementary school, Fort Pikit, Cotabato foundation college, Katakacan at Balabak.

May mga bakwit din sa Galakit at Linandangan, pawang sakop ng Pagalungan, Maguindanao.

Napag-alaman na gumagawa na rin ng hakbang ang militar sa pakikipagtulungan ng MILF upang manumbalik ang katahimikan sa lugar.