-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Nagdulot ng pangamba sa mga kapit bahay ang lumiyab na tangke ng LPG Nungnungan 1, Cuayan City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Felomino Macarilay, sinabi niya na bagong bili lamang niya ang nagliyab na tangke.

Isisindi na sana niya ang gas stove nang lumiyab ang pinagkabitan ng hose sa LPG Tank.

Sinubukan umano nilang sabuyan ng tubig ang apoy subalit nagpatuloy ang pagliyab ng LPG kung kayat nagtulong-tulong na silang magkakapit bahay na tabunan ang LPG ng mga buhangin.

Dahil sa taranta ay hindi na umano niya naisip na isara ang bulb ng LPG.

Nang dumating lang mga kasapi ng Bureau of Fire Protection o BFP Cauayan City nang tuluyan nang maisara ang valve ng tangke.

Masuwerte namang hindi nagdulot ng pagkasunog ng buong bahay ang nasabing pangyayari .

Sa pagsisiyasat ng Cauayan City Fire Station ay natuklasang hindi maayos ang pagkakabit ng hose ng regulator ng LPG kung kayat tumagas at lumiyab ito.

Matapos ang pangyayari ay pinayuhan ng BFP Cauayan City si Ginoong Macarilay na buksan nalang sa isang ligtas na lugar ang tangke dahil hindi na ito maaring gamitin dahil sa pagkakasunog ng ilang bahagi nito.

Dahil sa pangyayari ay nagsagawa ang Cauayan City Fire Station ng demonstration sa mga residente ng barangay Nungnungan 1 upang malaman nila ang dapat gawin sakaling lumiyab ang tangke.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Senior Fire Officer Eliseo Cabasal, ang Chief Investigator ng Cauayan City Fire Station, pinaalalahan niya ang publiko na huwag magpanic sakaling lumiyab ang LPG at kinakailangan lang maisara ang main valve nito upang mawala ang apoy.

Sakaling mainit na umano ang tangke ay makabubuting gumamit ng basang tela upang maisara ang main valve .

Kaniya ring nilinaw na hindi basta-basta sumasabog ang lumiliyab na tangke ng LPG.