TUGUEGARAO CITY – Naipamahagi na ng libre ng Cagayan Economic Zone Authority (CEZA) ang ilan sa mga luxury cars na naiwan sa mga sinirang mamahaling sasakyan noong 2018 sa pamunuan ng Philippine National Police (PNP), Philippine Army at Local Government Units.
Mula sa 50 mamahaling sasakyan, 18 rito ang naibigay na sa Cagayan police na kinabibilangan ng 11 mini-wagons, Wrangler jeep, Cayenne, Grandia, Pajero at tatlong Hummer cars.
Pitong hummers naman ang naibigay sa AFP at pito ring sasakyan na kinabibilangan ng Starex vans, Hummer at Toyota cars sa LGU-Sta Ana sa pamamagitan ni Mayor Nelson Robinion.
Habang ang natitirang 18 mamahaling sasakyan ay naipamahagi sa lahat ng Barangay sa Sta. Ana na kinabibilangan ng labing pitong starex vans at isang honda fit.
Bukod dito, nakatakda ring ipamahagi ng CEZA ang 350 iba pang mamahaling sasakyan sa national agencies at LGU sa rehiyon dos at kalapit na rehiyon.
Matatandaan na pinangunahan mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang taon ang pagwasak sa P30 milyon na halaga ng smuggled luxury cars na nasabat sa Port Irene.