KALIBO, Aklan – Mahigit sa 700 na dayuhang turista ang ibinaba ng luxury cruise ship na MS Seven Seas Mariners sa isla ng Boracay matapos na natuloy ang kanilang pagdaong sa gitna ng dagat kasunod ng maaliwalas na panahon.
Ayon kay Senior Chief Petty Officer Dominador Salvino ng Philippine Coast Guard (PCG) Aklan na maliban pa sa nasabing bilang ng pasahero ay sakay pa nito ang halos 400 na crew members.
Ang point of origin ng naturang cruise ship ay mula pa sa Bahamas kung saan, bago pa man makarating sa Boracay ay dumaan muna ito sa Palawan.
Sinalubong ng lokal na pamahalaan ng Malay partikular ng tourism office personnel ang mga bisita kasabay sa pagshowcase sa talento ng isang grupo na naka-custome ng pang Ati-Atihan Festival.
Sa kasalukuyan ay tuloy-tuloy ang pagbuhay ng industriya ng turismo sa Boracay patunay dito ang 160, 772 tourist arrival sa buwan ng Pebrero.
Kinabibilangan ito ng 120,211 na domestic; 4,873 na overseas Filipinos at 35,688 naman ang foreign tourist.
Sa kabilang dako, nasa 366 na ang accommodation establishment na accredited ng Department of Tourism (DoT) na may kabuuang 13,862 na kwarto.