Balik sa normal na ang operasyon ng mga transmission lines sa Luzon area na unang sinalanta ng bagyong Ulysses.
Nakompleto na kasi ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang pagkumpuni sa mga nasirang linya ng koryente.
May suplay ng koryente na rin ang lalawigan ng Cagayan, Apayao at Kalinga na lubhang sinalanta ng bagyo.
Napag-alaman na huling kinumpuni ng NGCP ang dalawang transmission lines sa Luzon grid.
Ang natirang Ligao-Polangi 69kv line na nagseserbisyo sa bahagi ng Albay sa ilalim ng APEC franchise area ay naayos na rin at naghihintay na lamang ng kumpirmasyon ng cooperative bago paganahin.
Matapos maibalik ang koryente, abala naman ngayon ang NGCP sa pamamahagi ng tulong sa mga apektado ng pagbaha.
Naglaan sila ng P35 million na pondo para sa relief operations kung saan target nilang tulungan ang mga residente ng Bicol at Southern Tagalog regions. (with report from Bombo Jane Buna)