Ilalagay ang Luzon grid sa yellow alert ngayong araw ng Lunes ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Sa inilabas na abiso ng ahensiya kaninang alas-8 ng umaga, sinabi ng NGCP na ilalagay ang Luzon grid sa yellow alert mula alas-3 ng hapon hanggang alas-5 ng hapon at mula 8pm hanggang 11 pm.
Mayroong kasalukuyang available capacity ang naturang grid na 14,902 megawatts at inaasahang papalo ang peak demand sa 13,823 MW.
Ayon sa NGCP, nasa 4 na planta ang nag-forced outage mula noong nakalipas na taon, 4 sa pagitan ng Enero at Marso ng 2024 at 13 naman mula nitong Abril 2024 habang 1 naman ang nasa derated capacity na.
Bunsod nito, nasa 1,443.3MW ang hindi available sa grid.
Ang yellow alert nga ay pinaiiral kapag hindi sapat ang operating margin nito para matustusan ang kinakailangan contingency requirement ng transmission grid.