Nag-abiso ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na muling isasailalim sa yellow at red alert status ang Luzon grid ngayong araw ng Lunes, Mayo 27.
Nananatili kasing naka-force outage ang 3 planta ng kuryente mula noong 2023 habang 15 planta din ang hindi available mula Abril hanggang Mayo ng kasalukuyan taon at nasa 3 planta ang nasa derated capacity kabilang ang Sual 1, Calaca 2, at Masinloc 1.
Kabilang sa mga plantang nag-force outage mula May 25 hanggang May 26 dahil sa bagyong Aghon ang Ilijan power plant, Pagbilao 1, 2 at 3 at San Buenaventura Power Ltd., Co. power plant sa Quezon.
Gayundin ang force outage ng Masinloc 3 kahapon dahil sa boiler feed water trouble at Forced outage of Quezon Power (Philippines), Limited Co. dahil sa sirang spring support ng turbine combine reheat valve.
Sa inilabas na advisory ng NGCP, ipapairal ang yellow alert sa Luzon grid mamayang alauna ng hapon hanggang alas-4 ng hapon at mula alas-10 ng gabi hanggang alas-11 ng gabi.
Isasailalim naman sa red alert status ang grid mamayang alas-4 ng hapon hanggang alas-10 ng gabi.
Samantala, nasa normal condition naman ang Visyas at Mindanao grid.
Nananatili ding nasa normal na operasyon ang transmission lines at mga pasilidad ng NGCP.