Nakatakdang muling isailalim ng National Grid Corporation of the Philippines sa yellow alert status ang Luzon Grid ngayong araw ng Lunes, Mayo 13, 2024.
Ito ay may kaugnayan pa rin sa nararanasang pagnipis ng supply ng kuryente sa Luzon na dulot naman ng mga forced outage sa 20 planta sa rehiyon.
Batay sa abiso na inilabas ng NGCP, magsisimulang isailalim sa yellow alert status ang Luzon Grid mula alas-2:00pm hanggang alas-4:00pm ngayong araw.
Ayon sa naturang ahensya mula noong taong 2023, limang planta na ang nag-forced outage, habang limang planta din ang naitalang may kaparehong kondisyon sa pagitan ng mga buwan ng Enero at Marso 2024, at sampu naman sa pagitan ng Abril at Mayo 2024.
Sa kasalukuyan, mayroon pa ring apat na iba pang mga planta ang nagpapatuloy pa rin ang operasyon sa derated capacities.
Kung maaalala, una nang ipinaliwanag ng NGCP na inilalagay sa yellow alert ang isang grid sa tuwing hindi nagiging sapat ang operating margin nito para sa contingency requirement ng isang transmission grid.