Hiniling ni Camarines Sur Representative LRay Villafuerte na isama ang panukala na magtayo ng permanenteng evacuation centers sa Common Legislative Agenda (CLA) ng Kongreso.
Sinabi ng mambabatas, maganda ang nakalinyang priority bills ng LEDAC ngunit mas mainam na maisama rin ang Permanent Evacuation Centers Bill lalo at malimit daanan ng bagyo ang Pilipinas.
Sa ngayon nasa 26 na panukala ang nakabinbin sa House Subcommittee on Disaster Preparedness kabilang ang House Bill 1091 na akda ni Villafuerte, at iba pang Bicol solons gayundin ang House Bill 16 nina Speaker Ferdinand Martin Romualdez, Tingog Representatives Yedda Marie Romualdez, at Jude Acidre.
Inihayag ni Villafuerte na batay sa pag-aaral ng Asian Development Bank (ADB) at Internal Displacement Monitoring Centre (IDMC), 49.3% ng populasyon o isa sa bawat dalawang Pilipino ang naaalis sa kanilang lugar dahil sa mga kalamidad mula 2010 hanggang 2021.
Una nang inihayag ni Speaker Romualdez na 15 sa 30 LEDAC measures ang sisikaping ipasa ng Kamara bago ang Christmas break ng Kongreso sa December 17.