Posible umanong makaranas ng power interruption ang Luzon sa ikalawang quarter ng taong ito na kinabibilangan din ng mismong araw ng eleksyon.
Iniulat ng Institute for Climate and Sustainable Cities (ICSC) ang kanilang pagsusuri sa pinakabagong summer power outlook ng transmission service provider na National Grid Corp. of the Philippines (NGCP) na nagsasaad na ang Luzon grid ay magkakaroon ng sapat, ngunit manipis na reserba ng kuryente sa mga buwan bago at pagtapos ng panahon ng halalan sa bansa.
Ayon pa sa ICSC, batay anila sa kanilang findings ay makikitang “very tight” ang power supply outlook sa second quarter ng 2022, na may posibilidad na humantong ito sa red alert status, na magdudulot ng mataas na singil sa kuryente, at rotating blackout sa buong Luzon grid.
Kapag kasi itinaas ang red alert sa isang lugar ay maaaring makaranas ng rotating power outages ang mga apektadong lugar nito.
Sinabi naman ni ICSC senior policy advisor Pedro Maniego Jr. na ang unreliable electricity supply ay makakasira sa kredibilidad ng eleksyon.
Kailangan kasi aniya ang electrical power system upang makapagbigay ng reliable supply nito lalo na sa mismong araw ng halalan para sa pagta-transmit ng data.
Kung hindi ay maaari aniyang mabigo ang ating political power system kung ang resulta ay hindi tatanggapin ng taumbayan.
Samantala, sa kabilang banda naman ay sinabi ng National Grid Corp. of the Philippines (NGCP) ang sapat na suplay ng kuryente sa panahon ng tag-init na may operating margin na humigit-kumulang 2,600 megawatts (MW).
Magugunita na una na rin na sinabi ng Department of Energy na wala itong nakikitang kahit na anong power supply issues hanggang sa pagsapit ng local at national elections na gaganapin ngayong taon.