CAGAYAN DE ORO CITY – Inaatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang Local Water Utilities Administration (LWUA) na pag-aralan kung dapat na i-takeover ang pagpapatakbo ng Cagayan de Oro Water District (COWD) dahil sa kinaharap na suliraning pinansyal sa kasalukuyan.
Ginawa ng pangulo ang pahayag kaugnay sa ibinigay nito na talumpati ukol sa bangayan ng COWD at Metro Pacific Water – Cagayan de Oro Bulk Water Incorporated disputed payable contract obligation na lomobo pa ng higit 400 milyong piso.
Sinabi ni Marcos na una na nitong kinausap ang negosyanteng si Manny V. Pangilinan na may-ari ng MetroPac na makig-ugnayan sa city government upang hindi na lumala pa ang bangayan sa pagitan ng COWD.
Batid kasi ng pangulo na pansamantala nang pinutol ng COBI ang inangkat nila na tubig mula sa Rio Verde Water Consortium na nakabase sa Baungon,Bukidnon dahil nagmatigas magbayad ang COWD sapagkat hindi kinilala ang nakapaloob na laman ng joint venture at bulk water contracts.
Una nang umaasa ang presidente na ma-resolba ang isyu ng tubig sa syudad na kabilang sa dinalaw niya sa Northern Mindanao dahil namigay ng presidential financial assistance sa mga pamilya na grabeng apektado ng El Niño phenomenon.