CAGAYAN DE ORO CITY – Hawak na ng interim board of directors at itinagala na general manager ng Local Water Utilties Administration (LWUA) ang lahat ng internal affairs ng kontrobersyal na pinakaunang water district ng Pilipinas na nakabase sa Cagayan de Oro City.
Kasunod ito sa inilabas na kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa LWUA officials na pag-aralan at pansamantalang e-takover ang Cagayan de Oro Water District (COWD) hanggang ma-stabilize o maibalik ang malusog na mga transaksyon at pag-serbisyo publiko sa mga konsumante ng syudad.
Naglabas na kasi ang LWUA pahayag at mga dokumento batay sa kautusan ni Marcos upang ayusin ang kasalukuyang mga problema ng COWD kabilang ang higit P400 million na payables nito sa kompanya ni Manny V. Pangilinan na Metro Pacific Water na umano’y ginipit ng city government.
Una nang ibinulalas ng pangulo sa harap mismo ng city government officials noong bumisita ito sa syudad na kinausap mismo niya si MVP na ibalik ang water connection kahit nagmatigas magbayad ang COWD dahil hindi dapat maperwisyo ang mga residente ng syudad.
Magugunitang iginiit ng COWD board of directors na walang legal basis ang paniningil ng MVP company dahil mali umano ang paramatrix formula na ginamit kaya wala umano silang utang.
Pinapasagot pa ng city government sa pamamagitan ng city council ang MetroPac-COBI sa resolusyon kung bakit hindi sila dapat ma-deklara na ‘persona non grata’ dahil sa ipinapatupad na water disconnection sa western portion ng syudad.
Nagsimula ang operasyon ng COWD taong 1973 na maituring pinakaunang water district sa buong bansa.