-- Advertisements --

Walang inaasahang pinsala mula sa magnitude 5.4 na lindol na tumama sa may baybayin ng Calatagan, Batangas alas-6:43 ng gabi ng Lunes, Enero 20.

Bagamat maaaring mangyari o maramdaman ang aftershocks.

Ayon sa PHIVOLCS, ang episenro ng lindol ay 26 kilometers hilagang-kanluran ng Calatagan na may lalim na 74 kilometers.

Tectonic ang pinagmulan ng lindol, ibig sabihin dulot ito ng paggalaw ng tectonic plates sa may fault lines o boundaries.

Maituturing na katamtaman hanggang sa malakas ang tumamang lindol kagabi na madalas na nararamdaman sa mga apektadong lugar at karaniwang nagdudulot lang ng minor damage.

Naramdaman naman ang Intensity 3 sa Quezon city.

Samantala, sa online poll survey ng Bombo Radyo matapos tumama ang lindol, ibinahagi ng ilan na naramdaman din ang lindol sa ilang lugar sa Metro Manila.

Kabilang dito, sa may Calumpang sa Marikina at Blumentritt, Manila. May nagsabi din na naramdaman ang hindi kalakasang lindol sa Quezon city.

Bahagyang naramdaman din ang lindol sa karatig lugar gaya ng Cainta sa lalawigan ng Rizal.