-- Advertisements --

Nagdulot ng bahagyang pinsala at paglikas ng mga residente ang tumamang magnitude 7.0 na lindol malapit sa Tonga nitong umaga ng Lunes, Marso 31.

Base sa live video ng local media sa Tonga, umalingawngaw ang tsunami sirens matapos tumama ang lindol kaninang ala-1:18 ng madaling araw para palikasin ang mga residente sa ligtas na lugar.

Ang mga residente sa kabisera ng Nuku’alofa ay lumikas patungo sa inland o mas mataas na ground.

Ibinahagi ng Tongan Taekwondo athlete na si Pita Taufatofua sa kaniyang facebook account ang nangyaring lindol kung saan idinetalye niyang nagsibagsakan ang ilan sa mga gamit mula sa mga istante at lamesa gayundin ang mga larawang nakakabit sa dingding ay nagsihulugan at nahirapan aniya itong makatayo at ngayon lamang niya naranasan ang ganun katagal na pagyanig.

Base sa US Geological Survey, ang episentro ng lindol ay 100 kilometers mula sa hilagang-silangan ng main island, may lalim ito na 29 kilometers.

Ilang oras ang nakalipas, sinundan ito ng magnitude 6.1 na lindol na tumagal ng segundo na tumama sa parehong lugar.

Nag-isyu naman ang Pacific Tsunami Warning Center ng notice matapos ang lindol dahil sa posibilidad ng mapanganib na mga alon subalit inalis din ang warning makalipas ang ilang oras.

Sa inisyal na ulat, walang napaulat na casualties subalit nagpapatuloy pa ang isinasagawang damage assessment.