Binabalak umano ng Senado na i-resume nang mas maaga ang sesyon sa Nobyembre upang matalakay na ang 2021 proposed national budget.
Ayon kay Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, imbis na isang buwan ang kanilang break simula ngayong linggo, mag-reresume na raw ang trabaho sa plenaryo sa Nobyembre 9.
Batay kasi sa legislative calendar, magsisimula ang break ng Kongreso sa Oktubre 17 at magre-resume sa Nobyembre 16.
Kinakailangan na lamang daw nila na makuha ang consent ng House of Representatives ukol dito.
Sinabi pa ng senador na kinakailangan na nilang maipasa ang panukalang pambansang pondo bago pa man mapaso ang kasalukuyang budget sa huling araw ng taon.
Sakali namang mabigo ang Kamara na i-transmit ang 2021 budget sa Senado ngayong buwan, inihayag ni Zubiri na kailangan pa rin nilang trabahuin ang isa pang priority bill ng Duterte administration na Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act.
Layon ng CREATE bill na bawasan ng 25 percent mula sa kasalukuyang 30 percent ang corporate income taxes.
Sa ilalim din ng panukala, tutulungan ng gobyerno ang mga industrying tunay na mataas ang value-added sa ekonomiya ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagbibigay ng performance-based tax incentives.