BAGUIO CITY – Mariing dinepensahan ng alkalde ng Tabuk City, Kalinga ang mga paratang laban sa kanya partikular ang maanomalyang pagbili ng mga medical supplies laban sa COVID-19.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Mayor Darwin Estrañero, iginiit niya na pinupulitika lamang siya at sinisiraan ang kanyang imahe sa publiko.
Depensa niya na ginawa lamang niya ang nararapat sa panahong labis na kinailangan ang mga medical supplies sa lungsod.
Hinamon pa nito ang mga sumisira sa pangalan niya na idaan nila sa legal na proseso ang mga paratang laban sa kanya.
Matatandaang sinampahan ng isang Atty. Errol Comafay Jr. na residente ng Barangay Bulanao, Tabuk City si Estranero sa tanggapan ng Ombudsman noong Hunyo 29 sa kasong kriminal at administratibo dahil umano sa maanomalyang pagbili ng mga thermal scanners para sa COVID-19 na umabot sa P12,000 bawat isa kung saan gumastos ang LGU ng P1.2-M para sa 100 piraso ng nasabing kagamitan.
Sa kanyang sinumpaang salaysay, sinabi ni Comafay na kabilang sa mga overpriced na medical supplies na binili ng lokal na pamahalaan ay ang mga alcohol, PPE jacket at PPEs with shoe cover and glasses.
Sa kabuuan ay higit sa P1,96-M ang nasayang umano na pondo ng lokal na pamahalaan dahil sa mga overpriced na kagamitan.