Inaasahan na umano ng Commission on Elections na bababa ang bilang ng mga botanteng magpaparehistro ngayong taon sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez, bagama’t wala silang target na bilang, tinatayang aabutin lamang daw ng tatlo hanggang apat na milyon ang inaasahan nilang magpapatalang mga botante.
“We are absolutely sure na medyo mababa ngayon [ang magpapa-register]. We could be wrong, like in some cases in Metro Manila now, the reports are coming in na maraming dumarating,” wika ni Jimenez.
Samantala, inihayag ni Jimenez na naging maganda naman daw ang takbo ng unang araw ng voter registration sa buong bansa.
Personal ding nagtungo ang poll body official sa ilang mga siyudad gaya sa Maynila, Pasay, at Taguig upang personal na tingnan ang sitwasyon.
Pangunahin naman aniya sa mga naitalang problema sa kanilang mga Comelec offices ang delay dahil sa forms, na inaabot ng 30 minuto.
Hinimok ng Comelec ang mga magpaparehistro na i-download at i-fill up ang registration form bago magtungo sa Office of the Election Officer sa kani-kanilang mga lokalidad.