BAGUIO CITY – Naniniwala si Contact Tracing Czar at Baguio City Mayor Benjamin Magalong na kulang ang contact tracing efforts ng mga local government units (LGUs) sa bansa na nagresulta sa mas lalong pagtaas ng mga kaso ng COVID-19.
Ayon sa kanya, mababa ang contact tracing efforts ng ilang LGUs dahil hindi nasuri at natuntun ng mabuti ang mga indibidual na nakasalamuha ng mga nagpositibo sa COVID-19 na nagresulta sa lalong pagkalat ng virus.
Nadiskobre aniya na mga first-generation o primary contacts ng mga COVID patients ang tinutukan ng mga contact tracers at kulang pa ang detalye o impormasyon na kinuha ng mga ito sa kasagsagan ng kanilang contact tracing.
Dinagdag nito na isa pang dahilan ng paghina ng contract tracing rate ng bansa ay ang kulang na bilang ng mga contact tracers.
Dahil dito, sinabi ni Mayor Magalong na tututukan niyang muli ang contact tracing efforts ng mga LGUs sa bansa.
Aniya, isa na dito ang pagsasailalim niya ng pasasanay aabot sa 250 na pulis at karagdagang 600 na contact tracers sa Metro Manila ukol sa epektibong contact tracing sa Miyerkules, March 31.
Umaasa ito na sa pamamagitan ng nasabing hakbang ay mas lalong mapalakas at mapaganda ang contact tracing sa bansa at matuntun lahat ng mga contact ng mga nagpositibo sa COVID-19 mula sa first generation contacts hanggang sa third generation contacts.