DAGUPAN CITY – Posible pang magtagal hanggang sa Biyernes ang pagsasailalim sa yellow alert ng Luzod grid.
Ito mismo ang kinumpirma ni Red Delola, assistant secretary ng Department of Energy (DOE) sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan.
Una rito, nag-abiso kahapon, Abril 10, ang National Grid Corporation of the Philippines o NGCP na inilagay sa yellow at red alert ang Luzon grid bunsod ng manipis na reserbang kuryente.
Ayon sa opisyal, bagama’t nasa yellow alert na lamang, hindi pa rin dapat makampante ang publiko dahil posible pa tong magtagal hanggang sa Abril 12.
Ibig sabihin, makakaranas pa rin ng hindi inaasahang shutdown at limitadong generation ng ilang power plants dahil umiiral pa rin ang yellow alert.
Samantala, hindi pa umano masabi ng DOE kung ilan ang eksaktong bilang ng “available capacity” o reserba sa kuryente na mayroon ang Luzon dahil pabago-bago ito depende na rin sa oras at demand ng mga consumers.
Ang alam lamang aniya nila ay ang bilang ng nawala kung saan umabot na ito sa 1,352 megawatts.
Una nang ipinaliwanag ng DOE na ang ibig sabihin ng yellow alert ay mayroong kuryente, ngunit manipis lamang ang reserba dahil sa mataas na demand.