-- Advertisements --

BOMBO DAGUPAN — Iginiit ni IBON Foundation Executive Director Sonny Africa na dapat ay sumasabay ang araw sahod ng mga manggagawa sa pagbilis ng inflation rate sa bansa.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan, idiniin nito na ang pamantayan sa pagtataas ng sahod ay nakasabay sa pagmahal ng mga pangunahing bilihin at pangangailangan ng mga Pilipino.

Aniya na kung sa mga nakalipas na taon ay ang mga manggagawa ng National Capital Region ang may pinakamataas na sahod sa buong bansa, kapansin-pansin naman aniya na hindi na nakasasabay ito ngayon sa pagsiriit sa presyo ng mga bilihin.

Halimbawa rito ang pagtaas sa sahod noong Hunyo 2016, kung saan mula aniya sa pinakamataas na inabot nito noong nakaraang administrasyon ay bumagsak ito sa 10% sa kasalukuyang administrasyon.

Saad nito na bagamat nangangailangan ng nasa P45 na pagtaas sa kasalukuyang sahod upang makasabay sa inflation, ay wala naman aniyang anumang ulat kaugnay nito.

Dagdag pa nito na sa kabila ng isinagawa nilang mga pag-aaral, ang pagtaas-baba naman ng antas ng inflation sa bansa, ang pagbaba ng halaga ng sahod ng mga manggagawa sa rehiyon ay naipon aniya mula sa patuloy na pagtaas sa presyo ng mga bilihin mula pa noong 2021.

Gayunpaman, kung susuriin naman ang sahod ng mga manggagawa sa ibang mga rehiyon kumpara sa NCR, ay mas mababa ang minimum wage ng mga ito kaysa noong 1989.

Ani Africa na kung may nakalaan man na pagtataas ng sahod ay hindi lamang ito dapat iimplimenta sa Metro Manila kundi sa buong bansa nang sa gayon ay makasabay ang bawat manggagawang Pilipino sa inflation rate.

Giit pa nito na walang anumang kadahilanan upang sabihin ng mga employer na wala silang kakayahan na magtaas ng sahod ng kani-kanilang mga manggagawa dahil ang P150 na umento sa sahod ay katumbas lamang ng 4% na tubo ng mga employer.