LEGAZPI CITY – Ramdam na rin sa ilang drugstores sa lalawigan ng Albay ang epekto ng mababang suplay ng paracetamol na gamot sa sakit ng ulo at lagnat.
Ito ang lumabas sa isinagawang monitoring ngayong araw ng Department of Trade and Industry (DTI) sa mga drugstore sa lalawigan.
Subalit paglilinaw ni DTI Albay Provincial Director Dindo Nabol sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, apektado ng mababang suplay ang mga kilalang brands lamang ng gamot ngunit sapat pa naman ang suplay ng mga generic brands.
Kagaya aniya ng drugstore sa bayan ng Tiwi na nagrequest na ng replenishment sa supplier subalit wala pa ring dumarating.
Nagkaroon din umano ng biglaang demand ng naturang gamot sa Metro Manila kaya’t sa Bicol pa bumibili ang ilan, sa malalaking volume.
Kaugnay nito, nagbaba na rin ng direktiba ang ilang pharmaceutical companies sa mga botika sa Albay na huwag na munang magbenta sa bultuhan para hindi gaanong kulangin sa suplay.
Tiniyak rin ang pagbabantay sa presyo ng mga ito na hindi dapat lumagpas sa mandated regulatory price.
Pakiusap pa ni Nabol sa mga mamimili na iwasan ang artificial demand surge at house hoarding ng produkto upang makabili ng gamot ang talagang pinakanangangailangan nito.