
Iimbestigahan ng Sugar Regulatory Administration ang mababang trading price ng asukal na kanilang naitala noong nakaraang linggo.
Ito ay sa gitna ng mga pagsusumikap ng ahensya na panatilihin sa Php3,000 ang presyo ng kada 60 kilograms na sako ng asukal sa bansa.
Ayon kay SRA Administrator Pablo Luis Azcona, kasalukuyan na nilang inaalam ang sanhi ng nararanasang price depression ngayon sa asukal.
Batay kasi sa impormasyong nakarating sa nasabing opisyal, may ilang mga sugar mill ang nagpresyo ng Php2,550 hanggang Php2,700 na halaga kada 50 kilogram na sako ng asukal.
Mas mababa ito kumpara sa Php3,000 na fair market price nito na may katumbas na Php60.00 kada kilo na farmgate raw price at Php85 kada kilo para sa retail price ng refined sugar sa Metro Manila.
Aniya, dahil dito ay tututukan ngayon ng kanilang imbestigasyon ang mga mills, traders, at importers ng asukal upang alamin kung mayroon bang abnomality sa dealing ng mga ito.
Kung maaalala, ang Negros Occidental ay ang top sugar-producing province ng bansa.
Kaugnay nito ay umaasa naman si Negros Occidental Governor Eugenio Jose Lacson na muling magbabalik at mananatili sa Php3,000 ang halaga ng kada 50 kilograms na sako ng asukal.