Kakaunting bilang lamang ng mga consumers ang maapektuhan ng mababang water level sa La Mesa Dam.
Paglilinaw ito ni PAGASA hydrologist Jason Bausa sa isang panayam.
Ayon kay Bausa, ang Metro Manila naman daw kasi ay kumukha ng supply ng tubig na ginagamit nito sa Angat Dam at hindi sa La Mesa Dam.
Sa ngayon, nasa 200.97 meters daw ang water level sa Angat Dam.
Mayroon pa raw itong sobra na 20.97 meters ng tubig dahil ang low water level classification dito ay 180 meters.
Sa hiwalay namang panayam, sinabi ni National Water Resources Board Executive Director Dr. Sevillo David Jr. pasok pa rin ang water level sa Angat Dam sa normal levels kahit pa inaasahang hanggang Hunyo pa magkakaroon ng sapat na pag-ulan.
Samantala, hanggang kaninang alas-6:00 ng umaga, ang water level sa La Mesa Dam ay bumaba sa 69.02 meters.
Nangangahulugan lamang ito na 0.2 meters na lang ay magiging kritikal na ang water level sa La Mesa Dam.