BOMBO DAGUPAN — Ikinadismaya ng Alliance of Health Workers na aabutin pa hanggang sa Disyembre ang pagbibigay ng unpaid health emergency allowance ng mga health worker.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Robert Mendoza, Presidente ng nasabing samahan, inihayag nito ang kanilang pagkagalit sa sitwasyon.
Aniya na ang health emergency allowance ay benepisyo ng mga health workers na dapat ay matagal na nilang nakuha o nararapat na maibigay sa kanila sa lalong madaling panahon.
Saad nito na dapat kung budgeted na ito ay kinakailangang maibigay ito kaagad sa mga health workers lalo sa kanilang sitwasyon kung saan marami ang napilitang mag-resign, at nag early retirement para lamang makuha ang naturang budget.
Dagdag nito na ang pinakamaagang panahon na pwedeng ibigay ito sa mga health worker ay ngayong buwan.
Ito aniya ang dapat na ipagyabang ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. bago ang kanyang susunod na State of the Nation Address sa darating na Hulyo 22.
Umaasa naman sila na makakadayalogo nila si Health Secretary Ted Herbosa kaugnay sa usaping ito, partikular sa pagsusulong ng mga benepisyo ng mga health worker na nagsilbi noong panahon ng pandemya, at gayon na rin sa iba pang isyu sa kanilang sahod.
Gayunpaman, sinabi nito na habang nakaupo ang Kalihim ay wala itong malinaw na agenda para sa mga health worker at wala na rin silang inaasahang magandang kahihinatnan para sa kanila.