-- Advertisements --

Hiniling ni Senator Raffy Tulfo sa Senate panel ng social justice, welfare, at rural development na magsagawa ng pagsisiyasat sa napaulat na mahaba at nakapapagod na sistema ng pagproseso ng mga benepisyo at pensiyon ng mga miyembro ng Social Security System (SSS).

Naghain ang mambabatas kamakailan ng Senate Resolution 544, na nananawagan sa komite na tingnan ang prosesong ginagamit ng state-run insurer para sa pag-claim ng mga benepisyo, lalo na sa retirement claims.

Binigyang-diin din niya ang responsibilidad ng Senado na tiyakin na ang mga ahensya ng gobyerno tulad ng SSS ay mahusay na ginagampanan ang kanilang mga tungkulin sa publiko, lalo na kung mayroon silang mga miyembro na nag-aambag sa kanilang sistema.

Nananawagan si Tulfo sa panel inquiry para matugunan ang umiiral na proseso at average time ng pag-claim ng mga benepisyo ng SSS, mga dahilan ng mga pagkaantala at mga aksyon na ginagawa upang matugunan ito, mga posibleng reporma upang mapabuti ang kahusayan ng pagproseso ng mga claim, ang feasibility ng pagpapalawig ng panahon para sa paghahain, pangangailangan para sa karagdagang pondo at manpower sa insurance company at ang posibleng pagtatatag ng monitoring system upang ma-track at i-update ang mga miyembro sa progress ng kanilang mga claims.