Nakukulangan ang mga kongresista sa ginagawang hakbang ng mga ahensya ng pamahalaan na naatasang mamuno sa rehabilitasyon ng Marawi City, sa kabila ng budget na inilaan dito ng gobyerno.
Nadismaya ang mga miyembro ng House Subcomittee on Marawi Rehabilitation matapos mabatid na wala pa sa kalahati ng P4.6-bilyong pondo na ni-release noon pang 2018 ang nagagastos ng Task Force Bangon Marawi.
Dahil dito, inatasan ni Subcomittee chair Anak Mindanao Rep. Makmod Mending Jr. ang mga opisyal ng task force na magsumite ng report at update ukol sa nagpapatuloy na rehabilitasyon, higit dalawang taon makalipas ang Marawi seige.
Nangako naman ang subcomittee na kahit magsara ang 17th Congress ay patuloy nilang tututukan ang pagusad ng rehabilitasyon.
Umaasa rin ang mga kongresista na itutuloy ng susunod na Kongreso ang pagbabantay sa sitwasyon ng pagbangon ng Marawi.
“Ang wish ko lang is for the 18th Congress to continue this. I think this subcommittee [has been] productive. It is a good venue to raise some issues na nasa blindside ng mga implementers. This was not created to find fault. This was created to find solutions,†ani Mending.