LEGAZPI CITY – Kabi-kabilang reklamo sa pumalyang vote counting machines (VCMs) ang sumalubong sa maraming polling centers sa Albay.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Legazpi, apat na VCMs ang pinalitan ng reserbang machine sa Polangui South Central School matapos na hindi gumana sa pagbubukas ng botohan.
Naipit na balota naman sa VCM ang naging dahilan ng malfunction sa Cotmon Elementary School sa bayan ng Camalig, habang apat na VCMs din ang pumalya sa Daraga North Central School kung saan ilan sa mga botante ang mahigit tatlong oras nang nakapila.
Bigo pa ring gumana ang ipinampalit na VCM sa isang pumalyang machine sa Tabaco South Central School kaya nag-abiso ang electoral board na ngayong hapon na ire-resume ang pagboto ng mga nakarehistro sa apektadong presinto.
Dahil dito, ilan sa mga botante ang nagpasyang umuwi na lamang ng kanilang bahay.
Malaking kwestiyon naman sa ilang barangay officials ang nangyari lalo na’t una nang isinailalim sa final testing and sealing ang VCMs.
Sa ngayon, tiniyak ng Commission on Elections ang agarang aksyon sa mga naturang isyu kung saan dinala na rin ang SD cards sa main office upang mapapalitan.