Hinikayat ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang Department of Agriculture (DA) at iba pang kaukulang ahensya na paramihin ang mga lugar kung saan mayroong Kadiwa store na nagbebenta ng bigas sa mas mababang presyo.
Ginawa ni Speaker Romualdez ang pahayag kasabay ng pagpuri nito sa paglulungsad ng Bagong Bayaning Magsasaka Rice program isang kolaborasyon ng National Irrigation Authority (NIA) at mga miyembro ng irrigation association, na naglalayong makapagbenta ng murang bigas sa mga bulnerableng sektor.
Sa pagtitipon na isinagawa sa NIA Upper Pampanga River Integrated Irrigation Systems (UPRIIS) Gymnasium sa Cabanatuan City, kinilala ni Speaker Romualdez ang potensyal ng programa na makatulong sa pagtiyak ng seguridad sa pagkain ng bansa at pagpapababa ng presyo ng mga bilihin.
Kinilala ni Speaker Romualdez ang Department of Agriculture sa pagtugon nito sa panagawan na paramihin ang mga Kadiwa centers, kung saan makabibili ng bigas sa halagang P29 kada kilo upang mas maraming mamimili ang makinabang dito.
Sa kanyang naunang pagbisita sa ilang palengke sa Metro Manila, kinumpirma ni Romualdez na may bigas ng ibinibenta sa halagang P42 kada kilo.
Binigyang diin ng Speaker na ang mga hakbang na ito ay hindi lang pang madaliang tulong sa pinapasan ng mga pamilyang Pilipino ngunit nakakatulong din sa hangarin ng gobyerno na masolusyunan ang inflation o bilis ng pagtaas ng presyo ng bilihin at pagkakaroon ng seguridad sa pagkain sa bansa.
Muling tiniyak ni Speaker Romualdez ang pagsisikap ng Kamara na suportahan ang mga programa ng Pangulong Marcos Jr. upang maging abot-kaya ang presyo ng mga bilihin at matiyak na sapat ang suplay ng pagkain.
Tinukoy pa ni Speaker Romualdez ang mahalagang papel ng Kamara sa pagpasa ng mga lehislasyon para protektahan ang kapakanan ng mga Pilipino pati na ang aktibong pagpapatupad ng kanilang oversight powers.
Kumpiyansa naman si Speaker Romualdez na kasabay ng pagpasok ng anihan at pagdating ng mga inangkat na biagas sa susunod na mga buwan ay lalo pang bababa ang presyo nito sa mga pamilihan.