Pinangunahan ni incoming House of Representatives speaker at kasalukuyang Majority Leader Martin Romualdez ang flag raising rites ng ika-124th Philippine Independence Day sa Emilio Aguinaldo Shrine sa Kawit, Cavite.
Ang naturang site ang siyang lugar ng unang proklamasyon ng kalayaan ng bansa noong taong1898.
Bahagi ng kanyang talumpati ay ang apela sa sambayanan na isantabi na ang politika lalo na at mabigat pa rin daw ang mga hamon na kinakaharap.
Binanggit din ni Romualdez ang nalalapit na bagong pamunuan ni President-elect Ferdinand Marcos Jr. na magsisimula ng mamuno sa July 1.
Ayon kay Romualdez dapat na magkaisa ang lahat dahil hindi pa lubos na nakakabangon ang ekonomiya dulot ng epekto ng pandemya.
Liban sa pagbibigay pugay sa mga bayani ng kasaysayan mula kay Gen. Emilio Aguinaldo, espesyal ding pinapurihan nito ang mga bayani sa panahon ngayon na siyang nagtaguyod upang harapin ang krisis sa pandemya.
Samantala sa Rizal Park naman sa Maynila, si Pangulong Rodrigo Duterte ang nanguna sa flag raising ceremony.
Ito ang kanyang una at huling pagdalo sa aktibidad bilang presidente.
Sa nakalipas kasing taon sa ibang lugar dumadalo ang presidente.
Hindi na nagtalumpati ang pangulo sa halip ay naglabas na lamang ng statement para sa araw ng kalayaan.
Sa kanyang mensahe binigyang diin ng pangulo ang kahalagahan ng pagkakaisa.
Aniya, magkakaiba man ang pananaw ng bawat isa basta iwaksi lamang ang galit at pagkakawatak ay susulong pa rin ang bansa.
“Even in exercising our most cherished freedoms, our differences can move us to engage in healthy yet meaningful discourse without sowing hatred and division, as well as push our country towards the right direction,” ani Duterte.
Naimbitahan din sa okasyon sa Luneta Park ang mga miyembro ng diplomatic corps kung saan halos isang oras din silang kinausap ng pangulo.
Samantala ang selebrasyon ngayong taon ay nakasentro sa tema na; “Kalayaan 2022: Pagsuong sa Hamon ng Panibagong Bukas” (Rise Towards the Challenge of a New Beginning).