Pinaaalalahanan ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA ang mga motorista na maaaring maging mabigat ang daloy ng trapiko sa CAMANAVA area dahil sa gagawing MMFF parade of stars bukas, December 16.
Inilabas na rin ng ahensiya ang pangunahing ruta na dadaanan ng mga float sakay ang mga artistang kalahok sa Metro Manila Film Festival o MMFF. Ito ang unang pagkakataon sa kasaysayan ng MMFF na dadaan ito sa mga siyudad ng Caloocan, Malabon, Navotas, at Valenzuela.
Ayon sa ahensya, magpapatupad sila ng temporary lane closure at counterflow sa ruta ng parada simula alas dose ng tanghali hanggang alas-otso ng gabi sa mga sumusunod:
-C-4 Road mula Navotas Centennial Park hanggang A Mabini Street,
-sa Samson Road mula A Mabini Street hanggang Monumento Circle,
-at sa Mc Arthur Highway mula Monumento Circle hanggang C Santos Street.
Inaasahang tatagal ng tatlong oras ang float parade na iikot sa 8.7 na kilometro.
Kaugnay nito, hinihikayat ng MMDA ang mga motorista na iwasan ang mga apektadong daan upang maiwasan ang abala dahil sa mga taong dadagsa para makita ang mga paborito nilang artista at dumaan sa mga sumusunod na alternatibong ruta:
-Mula Malabon patungong Navotas, dumaan sa Gov. Pascual at M.H. Del Pilar Street
-Ang mga motoristang patungo sa Monumento ay maaaring dumaan sa Gov. Santiago Road, M.H. Del Pilar Street, at Samson Road
-Maaari ding dumaan ang mga motorista sa North Luzon Expressway northbound at southbound.
(Photo from Metro Manila Film Festival)