-- Advertisements --

Nilinaw ng great-great grandson o apo sa talampakan ni Andres Bonifacio na si Atty. Gregorio Bonifacio na wala naman silang alitan ng mga kamag-anak ni dating Pangulong emilio Aguinaldo.

Ito’y kahit palaging nauungkat ang pagiging magkatunggali ng kanilang mga ninuno sa tuwing may ginugunitang okasyon, tulad ngayong ika-157 taong kaarawan ng tinaguriang “ama ng katipunan.”

Ayon kay Atty. Bonifacio, wala na silang magagawa sa pangyayari sa nakalipas na panahon, ngunit naniniwala siyang darating din ang araw na maghihilom ang sugat ng kasaysayan.

Aminado naman ang apo ni Bonifacio na malaking karangalan para sa kanila na hindi nakakalimutan ng sambayanan ang kanilang lola Andres.

Pero kaakibat din aniya nito ang malaking responsibilidad, dahil malaking puwang ang kailangang punan, lalo’t mataas ang inaasahan ng mga tao kapag nalalamang sila ay kaanak ng ama ng katipunan.

Si Atty. Bonifacio ay mula sa bloodline ng kapatid ni Gat. Andres na si Procopio Bonifacio.