KORONADAL CITY – Mabigat sa didbdib at sobrang sakit para sa isang asawa ang makitang patay na ang kabiyak matapos na marekober sa gumuhong 3-storey building sa Padada, Davao del Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal sa Earthquake survivor na si Fructoso Artiaga, siya mismo ang nagkumpirma na ang asawang si Evelyn Artiaga ang isa sa mga bangkay na narekober dahil sa suot nitong green na t-shirt at iba pang palatandaan sa katawan nito.
Ayon kay Fructoso, masaya pa ang huling pagkikita nila ng kanyang asawa matapos na magpaalam ito na bibili ng makakain.
Napag-alaman na ang mag-asawang Artiaga ay residente ng Sulop, Davao del Sur na karatig lugar lamang ng Padada, Davao del Sur.
Samantala, umaasa naman ang mga responders sa nagpapatuloy na retrieval operation sa gumuhong gusali.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay PRC South Cotabato Chapter Administrator Erwin Del Carmen, kahit na mahirap ang ginagawa nilang retrieval operation napapadali ito ng mga specialized equipment na ginagamit upang malaman kung may heartbeat pa sa natabunan ng mga debris.
Buwis buhay din umano ang ginagawa ngayon ng mga responders sa mga gumuhong building ngunit balewala ang takot sa mga aftershocks dahil sa ipinapakitang bayanihan spirit ng mga mamamayan sa lugar.
Kaugnay nito, umaapela naman ng panalangin ang rescue and retrieval team sa mamamayan.