Inamin ni contact tracing czar at Baguio City Mayor Benjamin Magalong na mahirap na mapanatili ang komprehensibong contact tracing sa kasalukuyang kalagayan ng transmission ng Omicron variant sa bansa.
Ayon kay Magalong, 1 is to 15 lamang ang recommended ration para sa mga contact tracers noon, ngunit aniya dahil sa bilis ng transmission ng omicron ngayon ay umaakyat na sa 1 is to 30 o 1 is to 40 ang ration ng mga contact tracers kung kaya’t imposible raw talaga na masunod ang comprehensive dynamis ng contact tracing.
Dahil dito ay inirekomenda ngayon ng opisyal sa Department of Interior and Local Government (DILG) na atasan ang mga contact tracers na ituloy lamang ang isinasagawang contact tracing sa mga first contact ng isang indibidwal na nagpositibo sa COVID-19 at huwag nang ibilang ang mga taong kabilang sa second at third contact nito.
Dagdag pa ni Magalong, ang kasalukuyang hamon na kanilang kinakaharap sa contact tracing ay posibleng pang lumala dahil sa hindi pagre-renew ng nasa 16,000 na mga contact tracers na kinuha ng DILG noong nakaraang taon.
Matatandaan na una nang sinabi ni DILG spokesperson Jonathan Malaya na nabawasan ang budget ng DILG para sa contact tracing funds para sa taong ito dahil nasa P250 million lamang aniya ang kanilang natanggap na pondo mula sa Kongreso sa ilalim ng General Appropriations Act of 2022.