-- Advertisements --

Pawang may problema sa kalusugan ang halos buong pamilya ni Aga Muhlach kung kaya naturukan agad ang mga ito ng bakuna kontra Coronavirus Disease (COVID).

Paglilinaw ito ng Muntinlupa local government unit (LGU) matapos punahin ng ilang netizen ang sabay-sabay na pagpa-prayoridad sa kanila sa COVID-19 vaccinations ng lungsod.

Sa isang panayam, sinabi ng Muntinlupa public information office chief na si Tez Navarro na kasama sa “A3” priority group ang 51-year-old actor gayundin ang beauty queen turned actress wife nitong si Charlene Gonzalez at kambal nilang anak.

Sa naturang kategorya, dapat ay may commorbidities o karamdamang magpapalala sa COVID-19 ang mga taong nais magpabakuna.

Nitong unang araw ng Hunyo nang ipaskil ng Muntinlupa-LGU ang pagsailalim ng pamilya Muhlach sa COVID vaccination sa Festival Mall Underground Parking, matapos dumaan sa step-by-step line at registration.

Gayunman, lumutang ang umano’y special treatment sa pamilya Muhlach lalo’t wala naman daw ibang kasamang nakapila ang mga nabanggit.

Sa panig ni Interior Secretary Eduardo Año, pinasisilip na rin nito kung nagkaroon ng mga paglabag sa vaccination protocols na itinakda ng pamahalaan.

Una nang ibinida ng 1996 Miss Universe Top 6, na nakaraos na sila sa unang turok ng AstraZeneca vaccine kasabay ng paghimok sa publiko.

“First shot done of Astra Zeneca.. Thank you MunCoVac & Muntinlupa City for the seamless and easy vaccination process. Encouraging everyone to get vaccinated towards achieving herd immunity. 🇵🇭 Let’s protect our loved ones by getting vaccinated 🇵🇭 Maraming Salamat ❤️
🇵🇭Register now in your LGU 🥰 “
ani Gonzales.