LA UNION – Magsisimula ngayong araw ng Lunes, July 1 ng taong kasalukuyan ang mas mabilis na pag-proseso at pag-claim ng mga Unified Multi-purpose ID o SSS Unit ID card.
Ito ang kinumpirma sa panayam ng Bombo Radyo kay SSS Branch Head Francisco Pentecostes.
Ayon kay Pentecostes, kung dati ay umaabot sa tatlong buwan bago makakuha ng SSS Unit ID card, magiging isang buwan na lamang ngayon o mas mabilis pa.
Hindi na rin aniya idadaan pa sa koreo ang nasabing ID dahil ipapaalam sa applicant member sa pamamagitan ng SMS sa cellular phones na maari nang i-claim sa mismong opisina ng SSS.
Kung kayat pinayuhan ng opisyal ang mga miyembro na kinakailangan aktibo ang ibibigay na numero sa application form.
Samantala, ipinaliwanag ni Pentecostes na mahalaga ang SSS Unit ID card dahil magagamit ito sa pag-claim ng mga benipisyo at loans mula sa nasabing ahensiya at maari din gamitin ito sa transaksiyon sa ibang ahensiya ng pamahalaan.