Aprubado na umano ng US Food and Drug Administration (FDA) ang unang rapid coronavirus diagnostic test, na may detection time lamang na 45 minuto.
Ayon sa molecular diagnostics company na Cepheid na siyang developer ng test, nakatanggap na raw sila ng emergency use authorization mula sa FDA para rito, na ilalaan sa mga ospital at emergency rooms.
Sisimulan din umano ng kompanya na ipadala ito sa mga pagamutan sa susunod na linggo.
Sa ilalim ng kasalukuyang testing regime, ipinapadala muna sa isang centralized lab ang mga sample, at inaabot ng ilang araw bago makuha ang resulta.
Ang diagnostic test para sa virus na nagdudulot ng COVID-19 ay nakadisenyo na mag-operate sa alinman sa mahigit 23,000 automated GeneXpert Systems ng Cepheid sa buong mundo.
Hindi rin umano kinakailangan pang magkaroon ng specialty training ang mga users upang makapagsagawa ng testing.
Wala namang binanggit ang kompanya kung magkano ang kailangang gastusin para sa test. (Reuters)