-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Ipapaubaya na ng pamilya Dormitorio at legal cousel ng mga ito sa mga prosecutors ang pag-usad ng mga patong-patong na kasong isinampa nila laban sa pitong kadete, dalawang tactical officers at tatlong medical doctors ng Philippine Military Academy (PMA) dahil sa pagkamatay ni Cadet 4th Class Darwin Dormitorio.

Ayon kay Atty. Jose Adrian Bonifacio, isa sa legal counsel ng Pamilya Dormitorio, napagsabihan sila na bubuo ang City Prosecutor’s Office ng Baguio ng isang panel ng mga prosecutors na siyang mag-iimbestiga sa mga nasabing kaso.

Aniya, mabibigyan din ng pagkakataon ang mga respondents na magpaliwanag kung matatanggap na ng mga ito ang reklamo o kaso laban sa kanila.

Maitatakda rin aniya ang pagdinig para sa preliminary investigation sa mga nasabing kaso.

Gayunman, nais aniya ng pamilya Dormitorio na mabilisang imbestigasyon ang dapat gawin ng piskalya sa mga nasabing kaso.

Maaalalang kahapon ay isinampa na sa piskalya ang mga kasong paglabag sa Anti-Hazing Act of 2018 at Anti-Torture Act of 2009 at murder laban sa pitong mga kadeteng pinangungunahan ni Cadet 1st Class Axl Rey Sanopao na responsable sa pag-hazing kay Cadet Dormitorio.

Kinasuhan din ang mga tactical officers na sina Major Rex Bolo at Captain Jeffrey Batistiana dahil sa pagiging “accomplices” ng mga ito sa paglabag sa Anti-Hazing Law of 2018 at sa pagiging “principals” ng mga ito sa paglabag sa Anti-Torture Act of 2009 maliban pa sa dereliction of duty.

Mahaharap din sa kasong dereliction of duty ang tatlong medical physicians ng akademya na sina Captain Flor Apple Apostol, Major Maria Ofelia Beloy at Lt. Col. Cesar Candelaria.

Dinagdag niya na sa ngayon, ang magagawa lamang nila ay mag-submit ng mga ebidensya para sa appreciation ng piskalya.