Pinabulaanan ni dating Iloilo City Mayor Jed Patrick Mabilog ang kumakalat online na fake statement ng kaniyang pagpabor umano sa impeachment ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Mabilog, hindi niya account ang ginamit sa pagpost ng naturang statement at ito ay fake account. Hindi aniya siya nagbigay ng anumang komento kaugnay sa naturang usapin.
Sa naturang statement kasi makikita ang pangalan at larawan ni Mabilog na may nakalagay na statement kung saan nakasaad na welcome umano para sa kaniya ang impeachment ni VP Sara at napapanahon na umanong makulong ang mga Duterte. Ito din aniya ay kanilang ganti at hustisya para sa kanilang kababayang Ilonggo. Nakasaad din na sisiguruhin niyang wala ng war on drugs pa sa Iloilo.
![](https://img.bomboradyo.com/newscenter/2025/02/jed-mabilog.jpg)
Sa huli, ipinagpasa-Diyos na lamang niya ang responsable sa gumawa at gumamit ng naturang pekeng account at hinimok ang publiko na ireport ang naturang account bilang fraudulent.
Kung matatandaan, inakusahan noon ni dating Pang. Rodrigo Duterte si Mabilog noong alkalde pa ito na isang bigating protektor ng iligal na droga. Bunsod ng mga hayagang pagbabanta noon ng dating Pangulo kay Mabilog umalis ito ng PH noong 2017 at humingi ng asylum sa US at noong Setyembre 2024 lamang nagbalik bansa ito para linisin ng kaniyang pangalan.