-- Advertisements --
WUHAN HOSPITAL
Site of the proposed instant-built hospital in Wuhan (photo grab from @ChuBailiang)

BACOLOD CITY – Ipinag-utos na ng pamahalaan ng Macau ang pag-spray ng disinfectant sa buong rehiyon upang mapigil ang pagkalat ng 2019 novel coronavirus mula sa China.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay April Kho, OFW sa Macau, ipinagbawal ang mga residente na lumabas alas-4:00 hanggang alas-4:30 kaninang madaling-araw dahil nakatakda ang spraying ng disinfectant.

Ayon kay Kho, kanselado ang mga events para sa Chinese New Year at walang masyadong turista dahil naka-lock down ang mga exits sa China.

Suspendido rin aniya ang mga flights kabilang na ang trip ng ferries, bus at trains.

Marami namang mga stores at establisyemento ang nagsara.

Sa ngayon, mayroon ng limang kumpirmadong kaso ng coronavirus sa Macau at sa isang matandang lalaki ito nagsimula.

Kasama nito ang kanyang mga kamag-anak at nagbakasyon lamang sa Macau.

Ayon sa Filipino worker, pinaniniwalaang sa mga exotic na hayop nanggaling ang virus na pinaniniwalaan ng mga Chinese na makabubuti sa kanilang balat at katawan kapag kinain.

Ngunit inihayag ng OFW na iba ang kultura at mga delicacies ng mga taga-Macau at hindi ito kagaya ng nasa China.