CAGAYAN DE ORO CITY – Patay ang isang machine operator ng kumpanyang Del Monte Philippines matapos magulungan ng trailer truck sa Zone 2, Brgy. Cugman, lungsod ng Cagayan de Oro.
Kinilala ang biktima na si Tristan Jay Abella, 25, residente ng Zone 1B, Barangay Iponan.
Sinabi ni PSSgt. Noel Ermac, imbestigador ng Cugman Police Station, papauwi na ang biktima galing sa trabaho nang bigla na lamang nadulas ang minamaneho nitong motorsiklo at tumilapon patungo sa gulong ng truck na gamit naman ni Leomel Rey Tandog, residente ng Zone 7, Barra, Opol Misamis Oriental.
Hindi mailarawan ang kalunos-lunos na sinapit ng biktima na maging ang kanyang suot na helmet ay napakatindi ang pagkabasag.
Nakakulong na ang driver ng truck na nakatakdang sasampahan ng kasong reckless imprudence resulting in homicide.