CAUAYAN CITY – Ikinulong ang isang machine shop helper matapos tutukan ng baril ang isang binatilyo sa Saragoza St. Calao East, Santiago City
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Presinto Uno, ang suspek ay si Pablo Sagabaen,58 anyos, may asawa, machine shop helper habang ang biktima ay itinago sa pangalang Jaymark, 16 anyos, estudyante at kapwa residente ng nasabing lugar
Iniihayag ni PCapt. Romel Cansejo, hepe ng Santiago City Police Office Station 1 na nakatanggap sila ng impormasyon may kaugnayan sa kaso ng panunutok ng baril mula kay Barangay Kapitan Dennis Cardenas ng Barangay Calao East, Santiago City.
Kaagad na tumugon ang mga pulis at lumalabas sa kanilang imbestigasyon na tinutukan ng baril ni Sagabaen ang binatilyo ng makasalubong sa daan.
Kumaripas ng takbo ang ilang kaibigan ng biktima na nasa kanyang likuran.
Nagsumbong ang binatilyo sa kanyang mga kamag-anak na agad namang ipinagbigay alam sa mga opisyal ng barangay na nagresulta ng pagkakadakip ng suspek.
Nakuha sa pag-iingat ng suspek ang isang Caliber 45 na baril na may 7 bala na nasa loob ng itim na sling bag.
Walang kaukulang dokumento ang nasabing baril bukod pa sa lango sa nakalalasing na inumin ang suspek nang tutukan ng baril ang biktimang binatilyo.
Mahaharap si Sagabaen sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Regulations Act) at paglabag sa Republic Act 7610 (Child Abuse law).