-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY – Madulas na runway ang dahilan kung bakit nasagi ng isang Korean Air airliner ang isang walang laman na eroplano ng Cathay Pacific habang nasa paliparan ng New Chitose Airport sa Japan.

Ito ang sinabi ng tagapagsalita ng airport patungkol sa “contact” na nagyari sa dalawang eroplano.

Sa likod ng insidente, inamin naman ng pamunuan ng dalawang airline na walang nasugatan.

Ang insidente sa New Chitose Airport ay naganap dalawang linggo lamang matapos ang isang malagim na banggaan sa Haneda Airport sa Tokyo, Japan sa pagitan ng isang eroplano ng Japan Airlines at isang maliit na coastguard plane.

Ayon kay Bombo International Correspondent Hannah Galvez sa Japan, kinumpirma ng Korean Air na walang nasugatan sa 289 na pasahero at 13 crew na sakay ng Airbus A330-300 na nakatakdang umalis sana patungong Seoul Incheon mula sa New Chitose sa Hokkaido, Japan.

Sa ngayon kasi nakararanas ang Japan ng malamig na temperatura kung saan maraming lungsod ang naglabas na ng mga babala.
Ayon sa mga ulat, 46 na flight ang nakansela noong Martes dahil sa snow fall.

Matatandaan na ito ang pangalawang pagkakataon na nagkaroon ng insidente ng banggaan ng eroplano sa Japan.

Ang una ay noong Enero 2, kung saan ligtas ang 379 katao na sakay sa Japan Airlines Airbus ngunit nasawi ang lima sa anim na sakay ng mas maliit na coastguard plane.