-- Advertisements --

VIGAN CITY – Isasagawa sa Ilocos Sur, partikular na sa Barangay Bagani Campo, Candon City, ang tatlong araw na music festival at kauna-unahang grand concert sa Northern Luzon ngayong araw, Mayo 23 hanggang sa Sabado, Mayo 25.

Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan, ang nasabing music festival ay pangungunahan ni National Artist for Music Maestro Ryan Cayabyab kung saan maliban sa pagtatampok ng iba’t ibang genre ng musika ay layunin din nito na mahikayat ang mga kabataan na magkaroon ng mas malalim na pagkakaintindi sa musika at sa music industry sa bansa.

Maliban kay Cayabyab, naimbitahan din sa nasabing event ang kaniyang mga singers, pati na si Gloc 9, Noel Cabangon at iba’t ibang sikat na banda sa bansa na kinabibilangan ng Spongecola, Rivermaya, 6Cyclemind, Banda ni Kleggy, Deck of Cards, Gracenote, Moonstar88, Tila Baliw, Kabataang Gitarista, Jammers at Orange and Lemons.

Magtatanghal din ang Candon City Chamber Orchestra, Candon City Children’s Choir, Candon City Chorale kasama na ang Manila Symphony Orchestra, Philippine Cello Ensemble, Tenor, Pinoy Brass at Cardona Youth Symphonic Band, kasama pa si Davey Langit at ang mga soprano singers na sina Regina Garabiles at Jedessa Calacday.

Ang Candon Music Festival ay isang free concert event sa pakikipag-ugnayan ni outgoing Ilocos Sur 2nd District Rep. Eric Singson sa provincial government sa pangunguna ni Governor Ryan Singson, at ng Candon City local government unit na pinanungunahan ni Mayor Ericson Singson at si incoming Ilocos Sur 2nd District Rep. Kristine Singson-Meehan at ng Council for Culture, Arts and Tourism ng ikalawang distrito ng probinsya.