-- Advertisements --

VIGAN CITY – Malalimang imbestigasyon ang isinasagawa ng mga kasapi ng Sinait municipal police station sa lalawigan ng Ilocos Sur upang malaman ang pagkakakilanlan at motibo ng mga suspek na bumaril-patay sa isang barangay chairman at anak nito sa Barangay Jordan, Sinait, Ilocos Sur nitong nakaraan.

Nakilala ang mga biktima na sina Edward Inofinada, 37-anyos habang ang ama nito ay si Calingayan, Sinait Barangay Chairman Leonardo Inofinada, 66-anyos.

Dead on arrival sa Sto. Cristo Milagroso Hospital sa Tapao, Sinait si Edward dahil sa tama ng baril sa ulo at dibdib nito samantalang nitong Huwebes ng umaga lamang binawian ng buhay si Leonardo matapos ang ilang araw na pananatili nito sa Intensive Care Unit dahil sa tinamong tama ng baril sa kanang balikat na maaaring tumagos sa dibdib nito at kanang hita.

Nakasakay umano sa tricycle ang mag-ama nang pagbabarilin ng mga hindi pa kilalang suspek na kaagad na tumakas pagkatapos ng krimen.

Blangko pa sa ngayon ang mga otoridad hinggil sa nasabing krimen dahil wala umanong nakakita sa pangyayari at wala ring CCTV camera na maaari sanang makatulong sa kanilang imbestigasyon.