-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Patay na nang matagpuan ng kanilang pamilya ang mag-ama na kapwa tadtad ng tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan dakong alas-8:20 kagabi sa loob ng isang mahogany plantation sa Brgy. Camanci Sur, Numancia, Aklan.

Kinilala ni PMSgt. Felizardo Navarra, imbestigador ng Numancia Municipal Police Station ang mag-amang biktima na sina Narciso Andelecio, 59 anyos at Jay-ar Andelecio, 29 anyos, mga residente ng Brgy. Bubog sa naturang bayan.

Base sa report, dakong alas-7:00 ng umaga ng Miyerkules ng umalis ang mag-ama sa kanilang bahay upang manguha ng kahoy na kanilang ibinibenta, subalit hindi nakauwi ang mga ito upang mananghalian.

Kinagabihan ay pinuntahan at hinanap na ito ng kanilang pamilya sa lugar matapos mapansin na hindi pa rin nakauwi.

Natagpuan ang mag-ama na magkatabi at nakadapa na kapwa naninigas na at pinagpipiyestahan na ng mga insekto sa paniwalang tanghali pa ginawa ang krimen.

Ayon sa ilang residente na nakarinig sila ng mga putok subalit binalewala nila ang mga ito sa paniwalang paputok.

Nakatakdang isailalim sa autopsy ang katawan ng mag-ama.

Sinasabing lumipat ng bahay ang mag-anak upang makaiwas sa “ubusan ng lahi” sa dating tirahan sa bayan ng Libacao, Aklan may sampung taon nSa ang lumipas.