-- Advertisements --

KORONADAL CITY- Isang 14-anyos na batang babae ang binawian ng buhay habang missing naman ang 55-anyos na ama nito matapos na nalunod at inanod ng tubig baha sa bayan ng Norala, South Cotabato.

Ito ang kinumpirma ni Norala Mayor Clemente Fedoc sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Kinilala ang nasawi na si Divine Grace Moreno habang ang nawawalang ama nito ay si Prudencio Moreno na kapwa residente ng Brgy. Puti sa nabanggit na bayan.

Ayon kay Mayor Fedoc, nagbabantay ng nasa 1,300 na itik sa gilid ng ilog ang mag-ama ng rumagasa ang malakas na tubig baha kahapon ng madaling araw kaya’t inanod ang mga ito. Kagabi lamang natagpuan ang bangkay ng bata sa bahagi na ng Purok Lambuano, BS Aquino habang patuloy naman na pinaghahanap ang ama nito.

Sa ngayon, umabot na sa halos 10 barangay ang apektado ng baha sa nabanggit na bayan na nasa gilid ng mga ilog.

Samantala, umabot naman sa 12 barangay sa bayan ng Banga ang binaha rin kung saan ekta-ektaryang palayan ang nasira, apat na tulay rin ang nawasak, inanod na mga palaisdaan at mga alagang hayop na namatay matapos inanod ng baha.

Daan-daang pamilya rin ang nagsilikas sa nabanggit na bayan na tinututukan ngayon nga MDRRMO.

Sa ngayon nagpapatuloy ang damage assessment sa mga apektado ng kalamidad dulot ng pagbuhos ng ulan dala ng bagyong Dante.