-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Patay ang mag-amang lulan ng motorsiklo matapos sumalpok sa dumptruck sa provincial road sa Maddiangat, Quezon, Nueva Vizcaya.

Kinilala ang mga nasawi na sina Jeffrey Baquilar, 34, welder; at anak na si Jefferson Baquilar, 6, kapwa residente ng Ibung, Villaverde, Nueva Vizcaya.

Ang tsuper naman ng dumptruck ay nakilala na si Rogelio Mendoza, 46-anyos at residente ng Aurora, Quezon, Nueva Vizcaya.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpt Angelo Dasalia, hepe ng Quezon Police Station, sinabi nitong patungo sa Quezon proper ang dumptruck habang patungong Solano, Nueva Vizcaya naman ang motorsiklo.

Nawalan daw ng kontrol sa manibela si Baquilar dahil umano sa kalasingan kaya nagawi ito sa bahagi ng kalsadang binabaybay naman ng dumptruck.

Dahil sa lakas ng pagkabangga ay tumama ang mukha ng bata sa dumptruck at pareho silang tumilapon.

Dinala sa ospital ang mga biktima ngunit idineklarang dead on arrival.